Wednesday, February 20, 2008

Rosas at pananalig sa dambana


Nagising akong maagang-maaga noong Linggo ng Pebrero 17. Nakaramdam ako ng matinding kirot sa aking bukong-bukong. Marahil, mga alas kuwatro medya na at naisip ko, sumumpong na naman ang aking arthritis.


Naalaala ko, nang makauwi kami ni Edna May mula sa huling sayawan ng Araw ng mga Puso sa aming high school auditorium sa Lagro, pinagsaluhan naming mag-asawa ang itinira sa aming masarap na gulay na balatong o monggo at dahil sa may pahintulot ng aking maybahay, todo-todo ang pagpapasasa ko sa gulay.

At heto na nga, masakit na bukong-bukong ang nagpagising nang maaga sa akin.
Madali akong nagpunta sa kusina, naghalungkat ng anumang puwedeng isilid sa bituka bago ako uminom ng pangontra sa sakit. Pagkainom ko ng pangontra, bumalik ako sa higaan at sinikap tumulog na muli.

Muli akong nagising na bihis na si Edna May. Noong pang gabi, sinabi niyang dapat maaga kaming magsisimba dahil mag-eensayo pa sila ng kanilang kanta sa misa. Pero sabi ko, masakit pa ang aking bukong-bukong at susunod na lamang ako sa misa sa umaga bago mag-corporate meeting ang Knights of Columbus na kinabibilangan ko at ang meeting ng Daughters of Mary Immaculate na pinangungunahan ni Edna May bilang Regent.

Medyo huli na ako sa misa pero sinalubong ako ni Julius Abanes, Grand Knight ng mga kabalyero ni Columbus. Inabutan niya ako ng isang bulaklak na nakasilid sa isang plastic makaraan ang aming komunyon.

Manunumpa uli tayo sa pag-ibig, sabi ni Julius na parang hindi ko pa rin maintindihang ganap.

Nalaman ko lamang ganap ang kahulugan ng sinabi ni Julius sa akin nang lumapit sa akin si Benny Enriquez na nagbibiro kung sino ang kapareha ko sa panunumpa. Kasama kasi ni Edna May si Rose na kabiyak ni Benny sa choir na kumakanta sa itaas.

Maya-maya, nakita ko ang napakaraming mga mag-asawang natitipon sa may altar ng simbahan. Ang mga lalaki, may mga hawak na bulaklak na pulang rosas sa loob ng plastik, kasama ng kanilang mga maybahay. Natitipon ang lahat sa harap ng dambana.

Sa isip-isip ko, natipon sa isang iglap ang mga mag-asawa sa umagang iyon sa harap ng altar. May hawak ang mga babae na babasahing papel na gagamitin sa maikling seremonya.

Naroon kaming lahat, mga magkabiyak na tumagal na ng mga dekada ang pagsasama, gaya nina Hermo at Daisy Pascua na nakalampas na sa apatnapung taon ng pagiging mag-asawa, Roger at Pitz Torres, Caloy at Mely Gubat, Rudy at Nora Tolibas, Julius at Glo Abanes, Rene at Josie Galimba, Freddie at Lita Ramos, Tong at Naty Fetil at marami pang hindi na maiisa-isang banggitin. Kami nga pala ni Edna May ay 40 taon nang taong kasal pagdating ng Abril.

At nagsimula na ang seremonya, pinangungunahan ni Rev. Father Bobot Clemen na bagong katatalagang kura ng aming Ascension of Our Lord Parish.

Pasasalamat sa Panginoon. At pagbasang sabay-sabay ng sumpa ng pananalig.

Akala ko, ritwal lamang ang lahat. Pero teka, parang lumalagom sa aking buong pagkatao ang kabanalan ng sandali.

Magkasabay naming binasa ni Edna May, kasama ng buong komunidad ng mag-asawahan, ang aming panata.

Hindi natin kalilimutan ang bawat isa. Hindi natin tatalikuran ang bawat isa. Hindi natin ipagsasawalang-bahala ang isa’t isa. Asawa ko, magmamahalan tayo nang tapat. Iwasan nating saktan ang damdamin ng bawat isa. Lagi nating alalahanin ang salita ni San Pablo: Ang pag-ibig ay matiyaga, at magandang loob, hindi nananaghili…Ang pag-ibig ay mapagbata, mapagtiwala, puno ng pag-asa at nagtitiyaga hanggang wakas.

Sa aking malay, waring may umaalunignig na malamyos na himig sa dambana ng Diyos habang kami’y winiwisikan ni Father Bobot ng aguwa bendita. Kinukunan kami ng litrato ng aming mga anak, at kaipala, naroon sa loob ng simbahan ang aming mga apo.

Nilinga ko ang mga nakahilerang magsing-irog, karamiha’y miyembro ng Daughters of Mary Immaculate at Knights of Columbus, mga magsing-irog na pinanday ang pagkakabigkis ng buhay sa ngalan ng matrimonyo ng kasal, sa isang tadhana na hindi maaaring paghiwalayin ng tao ang pinag-isa ng Diyos sa gitna ng hirap at dusa, lusog at sakit, tuwa at lungkot.

Aywan, sa aking malay, waring biglang bumagwis ang kahapon, ang tagpo ng aming tadhanang magkabiyak, kagaya ng tadhana ng sa iba, sa mga gunita ng pagtatali ng pag-ibig.

Natagpuan ko siyang kabubukad na rosas sa tangkay ng buhay, inalayan ng panata sa kapilya sa Capiz ng Panay, at mula roon, sumalunga sa isang mapanubok na buhay ng aming panahon, ngunit tuwina, nanalig sa isa’t isa, hindi susuko sa anumang pagsubok, at sa pinasimulan, walang iwanan hanggang sa huling sandali.

Aywan, sa gayong kay luwalhating sandali, ang manhid na kirot sa aking bukong-bukong ay biglang naglaho.

No comments: