Wednesday, February 20, 2008

Domingo Goan Landicho: Diwa at Pagkatao


Ilulunsad ang aklat na may pamagat na DIWA at PAGKATAO sa ika-4 ng Agosto 2008 na siya ring ika-69 kaarawan ni Dr. Domingo Landicho.

ang diwa at panulat ng aklat...

Nakapaloob sa aklat na ito ang mga mapanuring sanaysay ng mga pambansang manunulat at pinunong bayan gaya nila Francisco Sionil Jose, Virgilio S. Almario, Isagani Cruz, dating Senador Ramon Magsaysay Jr., Senador Loren Legarda at iba pang mga kilalang manunulat sa ating kasyasayan gaya nila Nick Joaquin, Francisco Arcellana, Petronillo Daroy, Alfredo Salanga, Nicanor Tiongson, Patricia Melendrez-Cruz, Adrian Cristobal at iba pang manunulat at iskolar ng bayan.
Ang mga bahagi ng buhay ni Landicho ay isinabuhay at isinalaysay sa panulat nila Romeo "Butch" Del Castillo, Satur Ocampo, Behn Cervantes at mga kasama sa akademya, literatura at iba pang kaibigan sa pagkabata at kamag-aral sa Batangas High School simula pa sa unang bahagi ng dekada sinkwenta sa kanyang lalawigan ng Batangas.
ang ama sa mga anak...
Ang apat na anak ni Landicho ay nagsulat at nakibahagi rin sa pagsasalaysay bilang isang ama at gayundin ang kanyang kabiyak ay ginunita ang mga alaala at mga unang bahagi ng kanilang pagsisimula ng pamilya at pakiki-isang dibdib sa manunulat.Ang aklat ay pinangasiwaan sa patnugot ni Propesor Dr. Glecy Atienza at kabiyak ng manunulat na si Dr. Edna May O. Landicho

Komisyon ng mga tipaklong


Sa totoo lamang, ang puno’t dulo ng kaguluhan na nagaganap sa ating bayan ay parang itnaeng komisyon ng tipaklong.


Sa mga insekto itong tipaklong ang siya na yatang pinakamalakas ang panunaw, parang pagkalunok ng kinagat na dahon, idudumi na kaagad.


Kaya naman, kapag napuruhan ang mga palayan nitong mga tipaklong, naku, ubos ang dahon ng lunting palay, tanging matitira ay tae ng mga tipaklong.


Kumbaga, ang mga tipaklong ay peste ng mga tanim. Kasi naman, ang mga pesteng ito ay dadapo na lamang at sukat at magpapasasa, pagkatapos, ilalantak lamang ng nakadidiring pagdumi.


Medyo naguguluhan ako sa aking paggamit ng metapora. Ang sinasabi ko lamang, napakasidhi ang pagiging ganid ng tipaklong ng korapsiyon sa mga transaksiyon sa ating sosyedad na talaga namang dahil sa kaganiran, halos inuubos nang lahat ang biyaya at iniiwan ang bayang nakatunganga.


Marahil, ganito ang pamanhikan ng isang kalihim kay Rodolfo Noel Lozada Jr., na timpiin naman (moderate) ang kasakiman sa komisyon at gawin namang hangga’t maaari’y puwede-puwede na (permissible), na sabi nga ni Senador Richard “Dick” Gordon, kesyo milyon-milyon o kahit katiting na kusing basta nakaw, nakaw, peryod.


Ang pangongomisyon, sa aking pagala-gala at pagmamasid-masid sa katotohanan ay hindi lamang sinusukat ng sampung porsiyento, beinte porsiyento o kuwarenta porsiyento, kundi lagi nang may mga sukatang porsiyento na pinakikinabangan.


Noong ako’y bata pa, tuwing anihan, ang nakikiani ay namomorsiyento ng kanyang bahagi na tinatawag na “hunos” sa amin sa Batangas at sa mga magpapalayan sa buong bansa.
Kung nangingiwihan kami ng inaalagaang hayop, baka man, baboy, kambing, basta paanakin, porsiyento rin ang partihan ng may-ari ng hayop at ng nangingiwihan.


Iyang mga tinatawag nating “barker” sa mga paradahan ng sasakyang bayan, kagaya ng mga diyip, porsiyento rin ang lengguwahe ng partihan. Basta sumigaw ang barker, at may sumakay, ayun na, porsiyento na agad. Kung hindi mag-aabot si drayber ng para sa barker, mura ang kanyang aanihin, o bato na babasag sa salamin ng minamanehong pampasaheruhan.
Kaya noong una, hindi masama o imoral ang pamomorsiyento. Ito ay isang kaliwaang praktika ng hanapbuhay ng mga wala at ng mga mayroon.


Hindi malinaw sa akin kung kailan ang pamomorsiyento ay tinawag na pangongomisyon. Ang pamomorsiyento ay parang bahagi ng kulturang bayan. Pero sa ngayon, bigla, ang pamomorsiyento ay tinagurian nang pangongomisyon.


Parang ang porsiyento ay naging komisyon bilang pagkita mula sa transaksiyong panggobyerno.


Hanggang noong hindi pa masyadong katagalan, ang pangongomisyon sa mga proyekto na kaugnay ng gobyerno ay kinikilalang legal na pinagkakakitaan.


Kaya nga lamang, nitong mga huling panahong ito, na hindi na sinusukat ang pangongomisyon ng eskala ng lima o sampung porsiyento, kundi sa parametro ng sobra-sobrang kaganiran, talagang ang mga tipaklong ng korapsiyon ay ganap nang nakagigimbal sa sensibilidad ng bayan.


Hindi ko alam kung kailan talaga nagsimula ang ganitong kaganiran. Sabi ng ilan, nagpasimula raw ito sa panahon ng diktadura. Ubos-ubos biyaya raw ang pagkaganid ng tinatawag na kroning tipaklong. Kaya naman, hanggang ngayon, hinahabol pa rin nang hinahabol ang itinaeng ginto ng mga tipaklong at waring estado na ng pagkasining ang napakalinis na pagtatago o pagtatagu-taguan.


Sumunod na rito ang panahong napakaikli ni Pangulong Joseph Estrada, na sa salang pandarambong ay nilitis ng Sandiganbayan hanggang sa mapatunayang nagkasala at hinatulang mabilanggo, pero, ergo, pinatawad kaagad na hindi man lamang nakasungaw ng loob ng preso.


Ngayon naman, sangkaterbang mga tipaklong ang humilera sa pangongomisyon sa panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, at talaga, parang ang laking eskandalo nang nagaganap.


Sa totoo lang, hindi ko alam kung masasawata pa ang mga bagong saltang tipaklong sa pangongomisyon at pagtae ng gintong kaganiran.


Kung maaari nga lamang sindihan ang tambobong na pinagtataguan ng mga tipaklong na ito, baka aayos-ayos ang buhay natin.


Naku, mabuti na lamang, mababait tayong mga Pinoy. Kundi, hahagarin natin ang mga tipaklong na ito at magsuot na sila sa kanilang pinanggalingan, hindi pa rin natin sila tutuakan sa paghabol at pagpaparusa.


Naiisip ba natin kung ang ganitong kaganiran ay magaganap sa mga bayang Europeo gaya ng Pransiya o ng Amerika? Naku, kung ang ganitong bagay na tunay namang garapal na garapal sa persepsiyon ng bayan ay magaganap sa mga bansang ang mga mamamayan ay maikli ang pasensiya, tiyak na mababalita ang riot kabi-kabila, magkakaroon ng mga panununog, o tahasang paglaban sa mga maykapangyarihan.


Pero tingnan mo tayong mga Pinoy. Buking na buking sa persepsiyon ng bayan ang kaganiran, ayos pa rin. Natutuwa na lamang ang Pinoy na manood sa komedya sa mga imbistigasyon at parang sa libreng panonood ng kalintikan ng mga magagara ang bihis na mga tipaklong ay maayos-ayos na rin ang pakiramdam.


Paano nga, sobra ang dami ng kawan ng ating mga ganid na tipaklong. Ang totoo, parang tinatanggap na ng bayan na may ganitong kalakaran sa pambansang buhay na may mga tipaklong na talagang masisiba sa ating buhay kabi-kabila.


Paminsan-minsan, may sisipot na matapat-tapat din namang kaalyado ng mga higanteng tipaklong at magbubuka ng bunganga at magsasambulat ng katotohanan. Naku, maraming hahanga sa ganyang nagbabalik-loob ng maliit na tipaklong na kusang tumalikod sa dati niyang mga kaalyado. Masaya na ang bayang isiping may isang munting tipaklong na nais pa ring sagipin ang kanyang kaluluwa na malugmok sa dilim sa pamamagitan ng paghuhugas ng sariling konsiyensiya.


Pero hanggang kailan tatagal ang nadaramang pakikisimpatiya? Pagkatapos ng kaunting pagpapakita ng gilas, magsasawa na muli at mapapagod ang bayan, at balak na naman sa dati ang lahat.


Maikli ang ang memorya ng Pinoy, laging sinasabi. Saka, kung tugsakin ang mga nabuking na tipaklong, sabi ng bayan, ang dami ng mga tipaklong na gutom na nakaabang sa paghihintay.


Talaga namang nakakapagod, wika nga. Wala na yatang katapusan ang pagdagsa ng mga tipaklong sa kaluntian ng ating Inang Bayan.
Ano ang dapat nating gawin?

Rosas at pananalig sa dambana


Nagising akong maagang-maaga noong Linggo ng Pebrero 17. Nakaramdam ako ng matinding kirot sa aking bukong-bukong. Marahil, mga alas kuwatro medya na at naisip ko, sumumpong na naman ang aking arthritis.


Naalaala ko, nang makauwi kami ni Edna May mula sa huling sayawan ng Araw ng mga Puso sa aming high school auditorium sa Lagro, pinagsaluhan naming mag-asawa ang itinira sa aming masarap na gulay na balatong o monggo at dahil sa may pahintulot ng aking maybahay, todo-todo ang pagpapasasa ko sa gulay.

At heto na nga, masakit na bukong-bukong ang nagpagising nang maaga sa akin.
Madali akong nagpunta sa kusina, naghalungkat ng anumang puwedeng isilid sa bituka bago ako uminom ng pangontra sa sakit. Pagkainom ko ng pangontra, bumalik ako sa higaan at sinikap tumulog na muli.

Muli akong nagising na bihis na si Edna May. Noong pang gabi, sinabi niyang dapat maaga kaming magsisimba dahil mag-eensayo pa sila ng kanilang kanta sa misa. Pero sabi ko, masakit pa ang aking bukong-bukong at susunod na lamang ako sa misa sa umaga bago mag-corporate meeting ang Knights of Columbus na kinabibilangan ko at ang meeting ng Daughters of Mary Immaculate na pinangungunahan ni Edna May bilang Regent.

Medyo huli na ako sa misa pero sinalubong ako ni Julius Abanes, Grand Knight ng mga kabalyero ni Columbus. Inabutan niya ako ng isang bulaklak na nakasilid sa isang plastic makaraan ang aming komunyon.

Manunumpa uli tayo sa pag-ibig, sabi ni Julius na parang hindi ko pa rin maintindihang ganap.

Nalaman ko lamang ganap ang kahulugan ng sinabi ni Julius sa akin nang lumapit sa akin si Benny Enriquez na nagbibiro kung sino ang kapareha ko sa panunumpa. Kasama kasi ni Edna May si Rose na kabiyak ni Benny sa choir na kumakanta sa itaas.

Maya-maya, nakita ko ang napakaraming mga mag-asawang natitipon sa may altar ng simbahan. Ang mga lalaki, may mga hawak na bulaklak na pulang rosas sa loob ng plastik, kasama ng kanilang mga maybahay. Natitipon ang lahat sa harap ng dambana.

Sa isip-isip ko, natipon sa isang iglap ang mga mag-asawa sa umagang iyon sa harap ng altar. May hawak ang mga babae na babasahing papel na gagamitin sa maikling seremonya.

Naroon kaming lahat, mga magkabiyak na tumagal na ng mga dekada ang pagsasama, gaya nina Hermo at Daisy Pascua na nakalampas na sa apatnapung taon ng pagiging mag-asawa, Roger at Pitz Torres, Caloy at Mely Gubat, Rudy at Nora Tolibas, Julius at Glo Abanes, Rene at Josie Galimba, Freddie at Lita Ramos, Tong at Naty Fetil at marami pang hindi na maiisa-isang banggitin. Kami nga pala ni Edna May ay 40 taon nang taong kasal pagdating ng Abril.

At nagsimula na ang seremonya, pinangungunahan ni Rev. Father Bobot Clemen na bagong katatalagang kura ng aming Ascension of Our Lord Parish.

Pasasalamat sa Panginoon. At pagbasang sabay-sabay ng sumpa ng pananalig.

Akala ko, ritwal lamang ang lahat. Pero teka, parang lumalagom sa aking buong pagkatao ang kabanalan ng sandali.

Magkasabay naming binasa ni Edna May, kasama ng buong komunidad ng mag-asawahan, ang aming panata.

Hindi natin kalilimutan ang bawat isa. Hindi natin tatalikuran ang bawat isa. Hindi natin ipagsasawalang-bahala ang isa’t isa. Asawa ko, magmamahalan tayo nang tapat. Iwasan nating saktan ang damdamin ng bawat isa. Lagi nating alalahanin ang salita ni San Pablo: Ang pag-ibig ay matiyaga, at magandang loob, hindi nananaghili…Ang pag-ibig ay mapagbata, mapagtiwala, puno ng pag-asa at nagtitiyaga hanggang wakas.

Sa aking malay, waring may umaalunignig na malamyos na himig sa dambana ng Diyos habang kami’y winiwisikan ni Father Bobot ng aguwa bendita. Kinukunan kami ng litrato ng aming mga anak, at kaipala, naroon sa loob ng simbahan ang aming mga apo.

Nilinga ko ang mga nakahilerang magsing-irog, karamiha’y miyembro ng Daughters of Mary Immaculate at Knights of Columbus, mga magsing-irog na pinanday ang pagkakabigkis ng buhay sa ngalan ng matrimonyo ng kasal, sa isang tadhana na hindi maaaring paghiwalayin ng tao ang pinag-isa ng Diyos sa gitna ng hirap at dusa, lusog at sakit, tuwa at lungkot.

Aywan, sa aking malay, waring biglang bumagwis ang kahapon, ang tagpo ng aming tadhanang magkabiyak, kagaya ng tadhana ng sa iba, sa mga gunita ng pagtatali ng pag-ibig.

Natagpuan ko siyang kabubukad na rosas sa tangkay ng buhay, inalayan ng panata sa kapilya sa Capiz ng Panay, at mula roon, sumalunga sa isang mapanubok na buhay ng aming panahon, ngunit tuwina, nanalig sa isa’t isa, hindi susuko sa anumang pagsubok, at sa pinasimulan, walang iwanan hanggang sa huling sandali.

Aywan, sa gayong kay luwalhating sandali, ang manhid na kirot sa aking bukong-bukong ay biglang naglaho.

Friends of Dr. Domingo Landicho

Dear friends,

We as friends of Dr. Domino Landicho would like to seek your financial and other support for the re-launching of the literary works of this important Filipino writer. Although he is so simple and a very low profile man, he continuously honor not only the nation by his works but also the pride of our people.

The Friends of Ka Domeng is a volunteer group which is organized for the purposes of re-launching his literary works as to provide the younger generation an inspiration not only in the field of journalism and culture but in their search for an identity and their rightful place in the life of the society. We also seek to develop a culture of reading among young people.

For the last half a century, Dr. Domingo Landicho, poet, fictionist, essayist, editor, columnist, actor, novelist and dramatist published materials reflecting the common man, importance of children and the cause of bringing literature to the impoverished masses.

His poetry has been featured all over the country, his zarzuela has been toured and performed on stages in the US, Canada and Australia by the UP Concert Choros. One of his novels, the Carlos Palanca Memorial Awards Grand Prize winner “Bulaklak ng Maynila” Manila Blossoms has been made into an award-winning movie in 2000. He was a recipient of the prestigious 2003 SEA Write award by Her Majesty Queen Sirikit of Thailand.

The “FRIENDS” as we call it, believes that through this endeavor that we can harness the strength and the good of the Filipino’s as reflected in the literary works of Ka Domeng.

In behalf of the Friends of the Dr. Domingo Landicho


Prof. Albert Banico
coordinator - Kaibigan ni Domingo Landicho

Department of Social Sciences
College of Arts and Sciences
Central College of the Philippines
banico_albert@yahoo.com