Wednesday, February 20, 2008

Komisyon ng mga tipaklong


Sa totoo lamang, ang puno’t dulo ng kaguluhan na nagaganap sa ating bayan ay parang itnaeng komisyon ng tipaklong.


Sa mga insekto itong tipaklong ang siya na yatang pinakamalakas ang panunaw, parang pagkalunok ng kinagat na dahon, idudumi na kaagad.


Kaya naman, kapag napuruhan ang mga palayan nitong mga tipaklong, naku, ubos ang dahon ng lunting palay, tanging matitira ay tae ng mga tipaklong.


Kumbaga, ang mga tipaklong ay peste ng mga tanim. Kasi naman, ang mga pesteng ito ay dadapo na lamang at sukat at magpapasasa, pagkatapos, ilalantak lamang ng nakadidiring pagdumi.


Medyo naguguluhan ako sa aking paggamit ng metapora. Ang sinasabi ko lamang, napakasidhi ang pagiging ganid ng tipaklong ng korapsiyon sa mga transaksiyon sa ating sosyedad na talaga namang dahil sa kaganiran, halos inuubos nang lahat ang biyaya at iniiwan ang bayang nakatunganga.


Marahil, ganito ang pamanhikan ng isang kalihim kay Rodolfo Noel Lozada Jr., na timpiin naman (moderate) ang kasakiman sa komisyon at gawin namang hangga’t maaari’y puwede-puwede na (permissible), na sabi nga ni Senador Richard “Dick” Gordon, kesyo milyon-milyon o kahit katiting na kusing basta nakaw, nakaw, peryod.


Ang pangongomisyon, sa aking pagala-gala at pagmamasid-masid sa katotohanan ay hindi lamang sinusukat ng sampung porsiyento, beinte porsiyento o kuwarenta porsiyento, kundi lagi nang may mga sukatang porsiyento na pinakikinabangan.


Noong ako’y bata pa, tuwing anihan, ang nakikiani ay namomorsiyento ng kanyang bahagi na tinatawag na “hunos” sa amin sa Batangas at sa mga magpapalayan sa buong bansa.
Kung nangingiwihan kami ng inaalagaang hayop, baka man, baboy, kambing, basta paanakin, porsiyento rin ang partihan ng may-ari ng hayop at ng nangingiwihan.


Iyang mga tinatawag nating “barker” sa mga paradahan ng sasakyang bayan, kagaya ng mga diyip, porsiyento rin ang lengguwahe ng partihan. Basta sumigaw ang barker, at may sumakay, ayun na, porsiyento na agad. Kung hindi mag-aabot si drayber ng para sa barker, mura ang kanyang aanihin, o bato na babasag sa salamin ng minamanehong pampasaheruhan.
Kaya noong una, hindi masama o imoral ang pamomorsiyento. Ito ay isang kaliwaang praktika ng hanapbuhay ng mga wala at ng mga mayroon.


Hindi malinaw sa akin kung kailan ang pamomorsiyento ay tinawag na pangongomisyon. Ang pamomorsiyento ay parang bahagi ng kulturang bayan. Pero sa ngayon, bigla, ang pamomorsiyento ay tinagurian nang pangongomisyon.


Parang ang porsiyento ay naging komisyon bilang pagkita mula sa transaksiyong panggobyerno.


Hanggang noong hindi pa masyadong katagalan, ang pangongomisyon sa mga proyekto na kaugnay ng gobyerno ay kinikilalang legal na pinagkakakitaan.


Kaya nga lamang, nitong mga huling panahong ito, na hindi na sinusukat ang pangongomisyon ng eskala ng lima o sampung porsiyento, kundi sa parametro ng sobra-sobrang kaganiran, talagang ang mga tipaklong ng korapsiyon ay ganap nang nakagigimbal sa sensibilidad ng bayan.


Hindi ko alam kung kailan talaga nagsimula ang ganitong kaganiran. Sabi ng ilan, nagpasimula raw ito sa panahon ng diktadura. Ubos-ubos biyaya raw ang pagkaganid ng tinatawag na kroning tipaklong. Kaya naman, hanggang ngayon, hinahabol pa rin nang hinahabol ang itinaeng ginto ng mga tipaklong at waring estado na ng pagkasining ang napakalinis na pagtatago o pagtatagu-taguan.


Sumunod na rito ang panahong napakaikli ni Pangulong Joseph Estrada, na sa salang pandarambong ay nilitis ng Sandiganbayan hanggang sa mapatunayang nagkasala at hinatulang mabilanggo, pero, ergo, pinatawad kaagad na hindi man lamang nakasungaw ng loob ng preso.


Ngayon naman, sangkaterbang mga tipaklong ang humilera sa pangongomisyon sa panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, at talaga, parang ang laking eskandalo nang nagaganap.


Sa totoo lang, hindi ko alam kung masasawata pa ang mga bagong saltang tipaklong sa pangongomisyon at pagtae ng gintong kaganiran.


Kung maaari nga lamang sindihan ang tambobong na pinagtataguan ng mga tipaklong na ito, baka aayos-ayos ang buhay natin.


Naku, mabuti na lamang, mababait tayong mga Pinoy. Kundi, hahagarin natin ang mga tipaklong na ito at magsuot na sila sa kanilang pinanggalingan, hindi pa rin natin sila tutuakan sa paghabol at pagpaparusa.


Naiisip ba natin kung ang ganitong kaganiran ay magaganap sa mga bayang Europeo gaya ng Pransiya o ng Amerika? Naku, kung ang ganitong bagay na tunay namang garapal na garapal sa persepsiyon ng bayan ay magaganap sa mga bansang ang mga mamamayan ay maikli ang pasensiya, tiyak na mababalita ang riot kabi-kabila, magkakaroon ng mga panununog, o tahasang paglaban sa mga maykapangyarihan.


Pero tingnan mo tayong mga Pinoy. Buking na buking sa persepsiyon ng bayan ang kaganiran, ayos pa rin. Natutuwa na lamang ang Pinoy na manood sa komedya sa mga imbistigasyon at parang sa libreng panonood ng kalintikan ng mga magagara ang bihis na mga tipaklong ay maayos-ayos na rin ang pakiramdam.


Paano nga, sobra ang dami ng kawan ng ating mga ganid na tipaklong. Ang totoo, parang tinatanggap na ng bayan na may ganitong kalakaran sa pambansang buhay na may mga tipaklong na talagang masisiba sa ating buhay kabi-kabila.


Paminsan-minsan, may sisipot na matapat-tapat din namang kaalyado ng mga higanteng tipaklong at magbubuka ng bunganga at magsasambulat ng katotohanan. Naku, maraming hahanga sa ganyang nagbabalik-loob ng maliit na tipaklong na kusang tumalikod sa dati niyang mga kaalyado. Masaya na ang bayang isiping may isang munting tipaklong na nais pa ring sagipin ang kanyang kaluluwa na malugmok sa dilim sa pamamagitan ng paghuhugas ng sariling konsiyensiya.


Pero hanggang kailan tatagal ang nadaramang pakikisimpatiya? Pagkatapos ng kaunting pagpapakita ng gilas, magsasawa na muli at mapapagod ang bayan, at balak na naman sa dati ang lahat.


Maikli ang ang memorya ng Pinoy, laging sinasabi. Saka, kung tugsakin ang mga nabuking na tipaklong, sabi ng bayan, ang dami ng mga tipaklong na gutom na nakaabang sa paghihintay.


Talaga namang nakakapagod, wika nga. Wala na yatang katapusan ang pagdagsa ng mga tipaklong sa kaluntian ng ating Inang Bayan.
Ano ang dapat nating gawin?

No comments: